MAHIRAP MAGING MAHIRAP, NAKAMAMATAY

MAHIRAP MAGING MAHIRAP, NAKAMAMATAY:

Panawagan sa lahat ng antas ng pamahalaan at mga mamamayan na tugunan ang pangangailangan ng mga maralitang komunidad sa panahon ng pandemikong COVID-19

 

Pinaaalahanan ang lahat ng tao na ugaliing maghugas ng mga kamay at manatili sa kanilang mga tahanan para maiwasan ang lalong pagkalat ng sakit na COVID-19. Pero paano ito magagawa kapag wala kang tubig, pagkain, pera, o tirahan? 

Isa itong malaking kakulangan sa mga hakbang ng pambansa at lokal na pamahalaan sa kanilang pagtugon sa pandemiko. Mula sa naunang ‘enhanced community quarantine’, nagkaroon na ng pagkakataong pagbutihin ang mga hakbang ng pamahalaan sa ikalawang bersyon nila ng ‘enhanced community quarantine,’ ngunit patuloy na napababayaan ang kapakanan at kaligtasan ng pinakamahirap na mga mamamayan. Habang patuloy na isinasaisang-tabi ang pangangailangan ng mahihirap, nakapipinsala ang patuloy na pagpapatupad ng mababaw at insensitibong lockdown. Lalo lang nitong napapalalim ang hindi pagkakapantay-pantay at kawalan ng hustisya sa lipunan, pinaiigting ang kahirapan at kagutuman, at pinalalala ang pangkalusugang panganib sa buong populasyon.

Napakabigat na ng pasanin ng mga maralitang komunidad, at mayroon pang isang buwan bago matapos ang lockdown. Hindi pwedeng isawalang-bahala ang problemang ito.

covidtag1

Noong Marso 17, 2020 idineklara ng pamahalaang pambansa ang National State of Calamity para maibsan ang paglaganap ng COVID-19. Inilagay ang Metro Manila at ang buong Luzon sa “enhanced community quarantine.” Pinagbawalan ang mga tao na lumabas ng kanilang mga bahay. Ang pagbiyahe ng lahat ng uri ng pampublikong transportasyon, mula MRT, bus, at maging mga tricycle, ay suspendido. Inatasan ang militar at pulisya na bantayan ang mga checkpoint sa lahat ng pangunahing mga daanan. Kahalintulad ang lockdown na ito sa ginawa sa China at iba pang mga bansang apektado ng COVID-19. Layunin ng lockdown na mabawasan ang dami ng mahahawa para maagapan pa ito ng mga hospital ng bansa. Noong Marso 19, 193 na kumpirmadong kaso na n COVID-19 ang naitalaga sa bansa. Ayon isang sa pag-aaral ng mga eksperto sa Asian Institute of Management, tinatayang 26,000 na Pilipino ang mahahawa sa COVID-19 sa katapusan ng Marso kung hindi mapipigilan ang pagkalat nito.

Mahalaga ang “social distancing” ngunit kapuna-puna kung paano kinikulingan ng mga pangkalusugang polisiya ang mayayaman at makapangyarihan– nauuunang magpa-test sa COVID-19 ang mga pulitiko at artista, kahit na taliwas ito sa patakaran ng DOH. Mahal din ang pagproseso ng mga test sa mga pribadong hospital (libre ang mismong testing kit). Pinahihintulutan ang mga pribadong sasakyan na byumahe sa Maynila habang napipilitan ang mga arawan na manggagawa at pasyente ng dialysis na maglakad ng ilang kilometro at dumaan sa maraming mga checkpoint. Naaresto na ang ilang mga taong walang tirahan. Mayroon pa ngang viral video ng lalaki na naninirahan na lang sa may Roxas Boulevard at nagmamakaawa na isipin din sila ng pamahalaan lalo na sa ganitong panahon. Aniya, walang puso para sa mahihirap ang mga patakaran ng gobyerno. Suot ang maruming mask at nakatingin direkta sa kamera, sinabi niyang “kinalimutan na kami ng gobyerno.”

covidtag2

Gaano kalawak at kalalim ang problemang ito? Isa ang Metro Manila sa pinakamasikip at mataong lunsod sa buong mundo. Mas maraming naninirahan sa Metro Manila kaysa sa Delhi sa India, Paris sa Pransya, o Tokyo sa Japan. Ito ang sentro ng pulitikal, kultural, at pangekonomiya ng buong Luzon. Halos 70% ng output ng ekonomiya ng bansa ay galing sa Luzon. Tinatayang 12.8 milyon ang kabuoang populasyon ng Metro Manila, ngunit umaabot ito ng mahigit 15 milyon sa umaga dahil sa pagpasok ng mga manggagawa mula sa ibang lunsod. Kung titingnan ang kabuoang populasyon na umaasa ng kanilang kabuhayan sa Metro Manila, masasama ang mga karatig na lunsod at aabot sa 21.3 milyon na tao ang nakadepende sa Metro Manila. Tinataya namang 2.5 milyon na tao sa Metro Manila ay nakatira sa mga impormal na komunidad, habang 3.1 milyon naman ay walang matirhan. Ayon sa opisyal na datos ng National Household Targeting System ng DSWD, mayroong 15.1 milyon na mahihirap na pamilya sa buong Pilipinas, at 300,000 noon ay nasa Metro Manila. Ang karaniwang mahirap na pamilya ay mayroong 5 hanggang 6 na miyembro. 

Ang mga manggagawa mula sa ibang lunsod na nagtatrabaho sa Metro Manila ay ang pinaka-apektado ng mga checkpoint sa mga hangganan ng Metro Manila. Sa NCR, maraming tao ang naninirahan at naghahanap-buhay sa mga karatig na lunsod– lahat ng ito ay apektado ng pagsuspinde ng pampublikong mga sasakyan. Tinataya ng JICA na halos 88% ng mga commuter ay walang pribadong sasakyan. Napakaraming mga mamamayan ang nabubuhay ng isang kahig, isang tuka, at napipilitang ilagay ang sarili sa panganib ng pagkahawa para lang matugunan ang pangaraw-araw na pangangailangan ng kanilang mga pamilya dahil sa mga no-work, no-pay na pulisiya. Makikita sa Figure 1 at 2 ang mapa ng opisyal na bilang ng kahirapan at kawalan ng hirahan sa National Capital Region. 

covidtag3

Source: DSWD Listahanan 2017, DOH 2020 from UNRI, Mapadatos (JR Dizon)
covidtag4
Source: PSA CPH 2010, DOH 2020 from UPRI, MapaDatos (JR Dizon)
Pansinin: Ipinapakita sa mapa ang kawalang-katiyakan ng tirahan gamit ang mga pamantayan ng Philippine Census of Population and Housing (2010). Makikita rito ang mga pamamahay na (1) pinahihintulutan ng may-ari tumira sa lupa nang walang binabayarang renta, at (2) nakatira sa lupa ngunit hindi nagbabayad ng renta pero tutol dito ang may-ari. Base sa dalawang kategorya na ito, lalo pang sininsin ang datos para maipakita ang uri ng mga tirahan, lalo na ang mga (3) tirahan na kulang sa limang pulgada ang lawak at (4) mga bahay na gawa sa kahoy at iba pang magaan na materyales ang mga pader. 

 

Ang mga pamilyang naninirahan sa mga maralitang komunidad ay madalas nakararanas din ng pagbaha, demolisyon, at sunog. Sila rin ang hirap makakuha ng mga batayang serbisyo sa kalusugan at tulong pinansyal. Madalas sa masusukal na komunidad sa malalaking mga lunsod ng Pasig, Mandaluyong, Quezon City, at Maynila, karaniwang maaabot lang ito sa pamamagitan ng tricycle o habal-habal. 

Mahirap mabuhay nang mahirap. Karaniwan malalaki ang mga pamilya sa maralitang komunidad. 3-5 ang dami ng mga anak nila at dagdag pa rito ang ibang mga kamag-anak at mga lolo at lola na nakatira sa iisang bubong. Madalas, iisa lang din ang kumikita sa mga pamilyang ito. Sa kanilang masisikip na tirahan, imposible ang “social distancing.” Kahit noong wala pang kumakalat na COVID-19, hindi maayos ang kundisyon sa kanilang mga tirahan at madali kumalat ang sakit, lalo na sa matatanda at mga bata. Ito ay pangaraw-araw na realidad ng karamihan ng ating mga kapwa Pilipino.

covidtag5

Source: DSWD Listahanan 2017, DOH 2020 from UNRI, Mapadatos

 

Ang patong-patong na pasakit ng lunsod ang siyang nagtutulak para maglakad ang mga lola na may sakit sa ilang checkpoint at ilagay ang sarili sa paganib na mahawa ng COVID-19 para matiyak na may kakainin ang kanilang mga apo. Sa oras na mapabayaang kumalat ang COVID-19 sa masusukal na maralitang komunidad, mas mahirap na itong agapan at pigilan. 

Ano ngayon ang maaari nating gawin? 

Nananawagan kami sa mga kasapi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, pamahalaang lokal, mga organisasyon ng pribadong sektor, at karaniwang mamamayan na gawing mas makatao ang pagpapatupad ng Proclamation No. 929, Declaring a State of Calamity Throughout the Philippines Due to Corona Virus Disease 2019 para matugunan ang mga pangangailangan ng pinakamahirap nating mga kababayan. Para mangyari ito, kailangan natin: 

 

  1. Magkaroon ng maayos na akses ang lahat ng komunidad sa tubig para matugunan ang kanilang pangangailangan na maglinis ng kanilang mga katawan at kapaligiran. Hindi katanggap-tanggap ang kakapusan sa tubig sa pahahon ng pandemiko. Makapagbigay ng sabon, hygiene kit, masks, at iba pang batayang pangangailangan lalo na sa mga masusukal at maralitang mga komunidad.
    • Maaaring mag-organisa ng pagrarasyon ng tubig sa tulong ng Bureau of Fire Protection, Philippine Red Cross, at iba pang lokal na mga organisasyon na mayroong mga water tank
    • Ipagpatuloy ang regular na pangongolekta ng basura at paigtingin pa ang mga hakbang para panatilihig malinis ang lunsod
  2. Magbigay ng ayuda sa pinakamahirap na mga pamilya. Partikular, tinatawagan namin ang civilian bureaucracy na pinamumunuan ng Department of Social Welfare and Development, Department of Labor and Employment, at Department of Transportation na magpatupad ng mga serbisyo na makakatulong sa apektadong mga manggagawa at iba pang sektor. Ilan sa mga programang ito ay:
    • Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Modified Conditional Cash Transfer Program (MCCT) para sa mga pamilyang walang matirhan, at Unconditional Cash Transfer (UCT)
    • PhilHealth, na dapat magtaas ng kakayahang matustusan ang mga gastusin na may kinalaman sa COVID-19, kabilang na ang testing, konsultasyon, at pagpapahospital
    • Pantawid Pasada (DOTR/LTFRB), na dapat palawakin lalo para matugunan din ang mga pangangailangan ng mga driver ng tricycle, jeepney, bus, AUV, at taxi
    • TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged /Displaced Workers) sa ilalim ng Department of Labor and Employment
  3. Tiyakin na hindi mapipilitan ang mga arawang manggagawa na lumabas ng kanilang mga tahanan para matiyak ang mga pangangailangan ng kanilang mga pamilya. Para mangyari ito, kailangan mabigyan ng pagkain at iba pang insentibo sa mga apektadong pamilya sa kahabaan ng lockdown. Kailangan makipagtulungan ng gobyerno at ng pribadong sektor para mawala ang pangamba ng mga manggagawa na matatanggal sila sa trabaho kung hindi sila papasok.
  4. Suportahan ang pagbiyahe at pagkilos ng mga frontline services at health workers, at siguraduhin na maaari ring makakilos ang mga mamamayan na walang pribadong sasakan para makapunta sila sa hospital. Lalo na ang mga buntis, mga nagpapa-diyalisis at radiation, at lahat ng nangangailangan makatanggap ng mahalagang serbisyong pangkalusugan. Maaaring magpabiyahe ng mga sanitized o nililis na mga bus at bisikleta para sa mga frontline workers. Kung maaari, mahalagang mabigyan din ng pansamantalang tirahan ang mga mangagawang front liners sa pakikipagtulungan sa mga real estate developers, mga paaralan, at mga dormitoryo. Higit sa lahat, mahalagang maipatupad ang mga protokol sa checkpoint sa makatao, magalang, at pantay-pantay na paraan, kung saan prioridad ang kalusugan at kaligtasan ng lahat ng mamamayan.
  5. Suportahan ang pangkalusugang sektor at mga siyentista para mapabilis at mapadami ang kakayahang mag-test ng COVID-19 sa buong Pilipinas, lalo na sa mga mahihirap na komunidad. Habang wala pang sapat na mga laboratoryo, pasilidad, at mga tauhan na may sapat na training sa bansa, dapat ibigay ang bahagi ng PHP 27.1-billion package na ipinalabas ng Department of Finance tungo sa paghahanap ng mga solusyon para matugunan ang problema ng pag-test.
  6. Magbahagi ng tama at napapanahong impormasyon sa buong bansa, kabilang ang mga maralitang komunidad sa paraang bukas at hindi namumulitika. Gumamit ng lokal na ma wika at makamasang plataporma. Pagsamahin at pag-isahin ang mga paraan ng komunikasyon para malinaw ang mensahe at pagpapakalat ng impormasyon. Gamitin ang mga plataporma ng komunikasyon tulad ng NTC text alarm para makapagbigay ng mahalagang impormasyon, at hindi lamang maiikling paalala sa publiko. Dapat magbahagi ng datos ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno gamit ang mga pormang ito para matulungan din ang trabahong siyentipiko at pang-polisiya sa hinaharap.
  7. Hikayatin ang mga negosyo na suportahan ang mga nabanggit na hakbang at makipag-usap sa pamahalaan para makalikha ng nagkakaisang tugon sa panahon na ito.
  8. Bigyan ng palugit ang deadline ng tax collection na nagsasaalang-alang ng mga hamon na dala na rin ng quarantine, at makipag-ugnayan sa mga bangko, negosyo, at mga may-ari ng mga bahay para mabigyan ng eksensyon ang mga bayarin.

covidtag6

Ang mga mungkahi sa panawagan na ito ay nakasentro sa karanasan ng Metro Manila, pero inaanyayahan namin ang pambansa at lokal na pamahalaan ng mga naka-quarantine na komunidad ng Luzon, Visayas, at Mindanao na tiyakin kasama ang kalagayan ng pinakamahirap nating mga kababayan sa mga polisiyang ipinapatupad. 

Nasa kasaysayan na ng pagpaplano ng pamamalakad sa Pilipinas ang mga hakbang na kolokyal, nakakiling sa iilan, at pahirap sa kalakhang masang Pilpino. Lalo lamang nitong napapalalim ang pagkakaiba ng mayayaman at mahihirap. Ito na ang panahon para tingnan natin ang ating mga lunsod at komunidad na hinubong ng hindi pagkakapantay-pantay. Dinidikta ng lunsod kung sino lamang ang may kakayanan matugunan ang kanilang mga pangangailangan, at sino ang patuloy na maghihirap. Malaki ang pagkakaiba ng realidad ng mga taong may kakayanan na kumportableng manatili sa kanilang mga bahay at sino ang kailangan maglakad ng ilang oras para maghanap-buhay at mapangalagaan ang kanilang mga pamilya araw-araw. 

Bilang mga development worker at practitioner na middle-class, kailangan nating maging magtulungan. Ito ang pagkakataon na wasakin ang mga pader na naghihiwalay sa atin at mapangalagaan ang kapakanan ang ating mga kababayan. 

Nakikiisa,

The UrbanisMO.ph community

www.urbanismo.ph

Bilang kolektibo ng mga propesyunal mula sa iba’t ibang mga larangan ng urban at regional planning at local economic development, hinahandog namin ang aming serbisyo nang libre. Kung mayroong mga local government units (LGU) na nangangailangan ng technical assistance in sa pagbuo ng tulong para sa kanilang mga mamamayan, padalhan lamang kami ng mensahe sa urbanismoph@protonmail.com.

UrbanisMOwhitebg (1)

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s